Pinirmahan na ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang proklamasyon na naglalagay sa Region IV-A (Calabarzon), Bicol Region, Western Visayas, at ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa state of calamity sa loob ng anim na buwan dahil sa pinsalang iniwan ng bagyong Paeng.
Ang deklarasyon ng pangulo ay batay sa Proclamation No. 84 na inilabas ngayon ng Malacañang na nag-aatas sa lahat ng mga concerned government departments at agencies na ipagpatuloy ang puspusang “rescue, relief, and rehabilitation measures” sa mga lugar na naapektuhan ng pananalasa ni “Paeng”.
“All departments and other concerned government agencies are also directed to coordinate with the LGUs to provide or augment the basic services and facilities of affected areas,” nakapaloob sa proclamation na pinirmahan para sa pangulo ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Ayon pa sa Proclamation No. 84 maaari ring isama ng presidente sa declaration ng state of calamity kung kinakailangan doon sa mga apektadong lugar depende na rin sa rekomendasyon ng NDRRMC.
Una nang napaulat na mahigit sa 1.4 million mga residente ang mga naapektuhan sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal and Quezon), Bicol Region, Western Visayas, at BARMM dahil sama ng panahon.