-- Advertisements --

Kumpiyansa ang Duterte administration na kayang-kayang lumaban at babangon ang ekonomiya ng bansa mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Sa kanyang mensahe sa pagbubukas ng Human Development and Poverty Reduction & Participatory Governance Cluster Forum, sinabi ni Cabinet Sec. Karlo Nograles na kabilang sa kanilang pinaghuhugutan ang repormang pinansyal at maayos na pangangasiwa sa ating ekonomiya na ginawa ng administrasyon bago pa man tumama ang pandemya.

Ayon kay Sec. Nograles, ito ang dahilan kaya isa ang Pilipinas sa pinakamalakas, pinakamatibay at pinagkakatiwalaang ekonomiya dito sa rehiyon.

Kabilang din daw sa mga senyales na lumalaban at bumabangon ang ating ekonomiya ang tumaas sa 4.4 percent na koleksyon ng Bureau of Customs (BOC) na patunay sa dumaraming economic activity.

“Mga kababayan, hirap man tayo ngayon, may mga senyales din na lumalaban at bumabangon ang ekonomiya. Tumaas po ng 4.4% ang mga koleksyon ng Customs––evidence of increasing economic activity. Prior to the Covid-19 outbreak, the country received a BBB plus credit rating, the highest in our country’s history, and even amidst the pandemic, international credit rating agencies have affirmed our sovereign ratings and have kept them at investment grade levels. Nung nakaraang buwan, tinaas pa nga ng Japan Credit Rating Agency ang credit rating natin from BBB plus to A minus. Sec. Dominguez said it best: “this is a vote of confidence in a sea of credit rating downgrades and negative outlook revisions worldwide,” ani Sec. Nograles.

Matapos ni Sec. Nograles, nagsalita rin ang ibang opisyal na kabilang sa mga miyembro ng Cabinet cluster gaya nina Social Welfare and Development Sec. Rolando Bautista, Interior Sec. Eduardo Año, Budget Sec. Wendel Avisado at Health Sec. Francisco Duque III.