-- Advertisements --

Posilbe ngayong araw ng Lunes ang pagbabago sa liderato ng Senado sa muling pagbabalik ng sesyon, matapos ihayag ni Senate President Alan Peter Cayetano na may mga umano’y kumikilos upang mapatalsik siya sa puwesto.

Sa isang pulon balitaan, sinabi ni Cayetano na may nagaganap umanong pagtatangka ng “kudeta” laban sa kanyang liderato sa Senado.

Ayon kay Cayetano, may mga senador umano na kinakausap upang muling sumama sa grupo ng minorya na pinamumunuan ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III.

Dagdag pa niya, mayroon din umanong “pananakot” sa ilang senador na hinihikayat na lumipat ng panig.

Sa kasalukuyan, posibleng mabawasan ang bilang ng mga susuporta kay Cayetano dahil inaasahang hindi dadalo sa sesyon si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na umano’y malayang nakaalis sa Senado noong Huwebes ng madaling araw.

Dahil dito, maaaring bumaba sa 12 ang bilang ng mga senador na maaring bumoto para mapanatili si Cayetano bilang Senate President.

Matatandaang 13 senador ang bumoto noon upang mailuklok si Cayetano sa puwesto, habang siyam naman ang sumuporta kay Sotto. Habang sina Sen. JV Ejercito at Juan Miguel Zubiri ang nag-abstain sa botohan.

Kung papanig umano sa minorya ang dalawang nag-abstain at may mahikayat pang dalawang senador mula sa kasalukuyang mayorya, maaari silang makabuo ng bagong “Magic 13” na sapat upang magsagawa ng panibagong pagbabago sa liderato ng Senado.