-- Advertisements --

Nilinaw ni Department of Budget and Management (DBM) Sec. Wendel Avisado na “for approval” na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang release ng nasa P46 billion na pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act 2 (Bayanihan 2).

Ginawa ni Sec. Avisado ang pahayag sa gitna ng kritisismong mabagal na disbursement process ng kinakailangang pondo sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Sec. Avisado, kabilang sa naghihintay ng approval ni Pangulong Duterte ang P20.5 billion para sa Department of Health (DOH); P11.6 billion para sa Department of Agriculture (DA); P8 billion para sa Department of Labor and Employment (DOLE) at P6 billion para sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay Sec. Avisado, sana maunawaan ng publiko na hindi dine-delay ng DBM ang pondo ng gobyerno at tinitiyak nitong may pondo ang bawat ahensya ng gobyerno.

Sa ngayon, nakapagpalabas na ang DBM ng nasa P4.413 billion sa iba’t ibang government agencies para pondohan ang mga programa sa paglaban sa COVID-19 pandemic.

Maliban dito, may P24.6-billion pang pondo ang pinoproseso na.

Nakatakdang magpaso ang Bayanihan 2 sa Disyembre 19, 2020 kaya nababahala ang ilang mambabatas sa mabagal umanong paglalabas ng pondo.

“Sa kabuuan po, malaki na po ang nakaatang at nakahandag perang gugugulin po ng ating pamahalaan under Bayanihan 2. Ginagawa po namin lahat ng magagawa na maaksyunan kaagad,” ani Sec. Avisado.