-- Advertisements --
bravo1

Arestado ng PNP CIDG Southern District Field Unit ang isang police officer na nakadestino sa Police Regional Office-3 na sangkot sa gunrunning activities sa Metro Manila.

Kinilala ni CIDG Director, MGen. Albert Ignatius Ferro ang inarestong opisyal na si PLt Roy Bravo, 46-anyos naka-assign sa Bocaue Police Station.

Nagbenta umano ang suspek ng caliber .9mm Intratec sub-machine gun sa halagang P75,000.00 sa isang CIDG undercover agent.

Dahil dito agad nagkasa ng buy-bust operation ang CIDG sa may gas station sa may kahabaan ng EDSA corner Danlig Street, Makati City.

bravo2

Nakumpiska sa suspek na pulis ang isang INTRATEC caliber .9mm sub-machine gun; assembly magazine; suppressor/silencer; one Pietro Beretta caliber .9mm pistol; assembly magazine for caliber .9mm Pietro Beretta pistol; 14 rounds of caliber .9mm ammunition; PNP Identification Card ; one pair ng PNP Field Service Uniform; one unit of Suzuki vehicle.

Ayon kay Ferro nakatanggap sila ng impormasyon na isang “Bravo Roric” ang sangkot gunrunning activities sa pamamagitan ng online transactions at ang delivery ay personal na ginagawa ng suspek.

Nakipag ugnayan ang CIDG sa PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) para i-verify ang record ng nasabing opisyal.

Pinuri naman ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang CIDG sa pagkakahuli sa pulis na nasangkot sa iligal na aktibidad.

Si Bravo ay mahaharap sa kasong administratibo at criminal dahil sa paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).