-- Advertisements --

Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na susunod sila sa utos ng Pangulong Rodrigo Duterte na ipaubaya na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pag-iimbestiga kaugnay sa madugong enkwentro sa pagitan ng PNP at PDEA agents sa parking area ng isang mall sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.


Ayon kay PNP Spokesperson BGen. Ildibrandi Usana, na tatalima sila sa direktiba ng Pangulo.


Sa panig naman ng PDEA, sinabi ni PDEA Spokesperson Dir. Derrick Carreon na nagsalita na ang Pangulo kaya’t wala na silang ibang maaaring ikomento pa hinggil dito.


Una rito, bumuo ng Board of Inquiry ang PNP at PDEA upang imbestigahan ang punot dulo sa nangyaring madugong sagupaan ikinasawi ng apat na indibidwal mula sa PNP at PDEA.


Inatasan naman ng Department of Justice ang NBI para magsilbi naman bilang 3rd party investigator sa nabanggit na kaso Kahapon humarap sa media sina PNP Chief Gen. Debold Sinas at PDEA Dir.Gen. Wilkins Villanueva at sinabing blanko pa sila kung bakit humantong sa enkwentro ang dalawang law enforcement units.

Kapwa tiniyak ng dalawang opisyal na mananagot ang dapat managot sa insidente.


Una ng inatasan ni PNP Chief Gen. Debold Sinas ang CIDG na imbestigahan ang insidente.


Isinailalim na rin sa custodial investigation ang mga sangkot na pulis at PDEA agents.