Walang naitalang anumang untoward incidents ang Philippine National Police (PNP) sa pagsisimula ng kampanya ng mga lokal na kandidato sa buong bansa.
Ito ay batay sa ulat ng mga ground commanders kay PNP chief Gen. Dionardo Carlos.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, peaceful ang unang araw ng kampanya at inaasahan nilang magtuloy-tuloy ito hanggang sa matapos ang eleksiyon sa Mayo.
Maayos na nairaos ang unang araw ng kampanya ng mga lokal na mga kandidato sa buong bansa.
Sinabi ni Fajardo na wala din silang natatanggap na anumang banta sa seguridad na posibleng manggulo sa ongoing campaign period.
Binigyang-diin ng PNP na hindi sila nagpapakampante kaya patuloy ang ginagawa nilang validation and assessment and intelligence monitoring kasama ang kanilang counterpart ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
Bukod sa 40,000 pulis na naka deploy para magsagawa ng Comelec checkpoint nationwide, kinumpirma din ni Col. Fajardo na nagdagdag ang PNP ng nasa 37,000 pulis para magbigay seguridad sa kampanya.
Panawagan naman ng PNP sa mga kandidato at mga supporters ng mga ito na sumunod sa ipinatutupad na minimum public health standard upang maiwasan ang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 cases.
Samantala, kanina kaniya kaniyang gimik ang mga kandidato sa kanilang unang araw na pangangampanya sa iba’t ibang dako ng bansa.