Walang na-monitor na terrorist threat sa bansa ang PNP.
Ito ang inihayag ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar matapos na maglabas ng babala ang Japan sa kanilang mga mamayan na nasa anim na bansa sa timog silangang asya, kabilang ang Pilipinas na mag-ingat sa possibleng terrorist threat.
Sa abiso ng Japan, pinayuhan ang kanilang mga mamayan na umiwas sa mga matataong lugar dahil sa panganib mula sa suicide bombing.
Siniguro naman ng PNP Chief na hindi nagre-relax ang PNP sa pagbabantay sa mga possibleng banta.
Noon pa man aniya makalipas ang 9-11 World trade attack sa New York, at Marawi Seige ay aktibo ang koordinasyon ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa sa pamamagitan ng Information sharing tungkol sa iba’t ibang terrorist groups.
“We have not received any report on possible terror attacks as advised by the Japan Foreign Ministry but this does not mean that we would lower our guard on this matter,” pahayag ni Gen Eleazar.
Pinalakas din aniya ng PNP ang kanilang ugnayan sa iba’t ibang komunidad lalo na sa kanilang counterpart ang Armed Forces of the Philippines (AFP) upang masiguro na hindi makakalusot ang mga terorista sa kanilang masamang hangarin.
“Kasama dito ang pagpapalakas ng ugnayan ng inyong kapulisan sa iba’t- ibang komunidad at stakeholders upang matiyak na hindi tayo malulusutan sa anumang plano ng mga teroristang grupo sa anumang lugar sa ating bansa,” dagdag pa ni Eleazar.
Inihayag din ni PNP chief na simula na mag take over ang Taliban sa Afghanistan, naka-alerto na ang PNP units sa Mindanao sa posibilidad na magkaroon ng spillover sa bansa na maaring ilunsad ng mga local terrorists.