Nirerespeto ng Philippine National Police (PNP) ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagsibak kay Vice President Leni Robredo bilang ICAD (Inter-agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD) co-chair.
Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, mismong ang Pangulo ang nagdesisyon na sibakin sa puwesto ang pangalawang Pangulo.
Siniguro naman ng PNP sa publiko na mananatiling “relentless” ang kampanya nila laban sa mga high value targets na sangkot sa illegal drugs na may pagrespeto sa karapatang pantao.
Para kay Banac, wala silang nakitang mali na ginawa ni Robredo sa loob ng tatlong linggo nito bilang co-chair ng ICAD.
Sa katunayan aniya ay nagkakasundo naman ang PNP at si Robredo pagdating sa mga strategy kung paano patatakbuhin ang war on drugs ng pamahalaan.
Gayunman, walang panghihinayang ang PNP sa pagkakasibak kay Robredo pero pinasalamatan nila ito sa mga naging kontribusyon sa maiksing panahong nakasama sa ICAD.
Giit ni Banac, walang magbabago sa kanilang mandato na linisin ang bansa mula sa iligal na droga.