-- Advertisements --
banac 1
Col Banac

Nasa 22 kaso ng cyberbullying ang naitala ng PNP mula Enero 2017 hanggang Marso 2019 na kinasasangkutan ng mga menor de edad sa pamamagitan ng social media.

Dahil pasukan na sa Lunes, malaki umano ang posibilidad na tataas ang kaso ng bullying.

Kaya naman, hinimok ng PNP ang mga biktima na lumantad at magsampa ng kaso.

Ayon kay PNP Spokesperson Col. Bernard Banac, mahalagang mai-report kaagad sa otoridad ang kaso ng bullying para agad maimbestigahan nang sa gayon mahuli ang mga suspeks.

“Yung mga incidents of bullying napakahalaga na ang mga biktima ay kaagad na makapagbigay kaagad ng ulat sa ating pinakamalapit na pulis nang sa gayon matugunan kaagad at makunan ng salaysay. Sila po ay dapat ay samahan ng kanilang magulang or any guardian,” pahayag ni Col. Banac.

Tiniyak naman ng PNP na mahigpit nilang tututukan ang kaso ng bullying sa mga eskwelahan sa pakikipag-ugnayan ng mga opisyal ng paaralaan.

Kasamang tututukan ng PNP ang mga street criminals gaya ng mga snatchers, magnanakaw at mga drug pushers.

Nasa 120,000 police personnel ang idedeploy ng PNP nationwide para sa balik eskwela program ng Department of Education para matiyak ang seguridad ng mga estudyante.