Inihanda ng Philippine National Police – Police Regional Office 3 (PNP-PRO3) ang kanilang “Libreng Sakay” sa Central Luzon upang tulungan ang mga na-stranded na pasahero dahil sa malakas na ulan dulot ng habagat.
Ayon kay PRO3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., inatasan niya ang mga pulis sa binahang lugar na maghatid ng mga residente—lalo na ang mga estudyante, manggagawa, at matatanda—na hindi makasakay ngayong masama ang panahon.
Gamit ang mga marked police vehicles at mobile patrols, hinahatid ng mga pulis ang mga pasahero mula sa binaha o hindi madaanang lugar patungo sa mas ligtas na lokasyon, terminal, o mismong tahanan.
Sinisiguro rin ng mga awtoridad na nasusunod ang safety protocols habang sakay ang publiko.
Bukod sa transportasyon, nagpapatrolya rin ang mga pulis para matiyak ang seguridad at koordinasyon sa mga LGU at rescue units.
Samantala, iniulat ni Peñones na bumaba ng 152 ang bilang ng krimen sa Central Luzon sa nakalipas na 30 araw. Bumaba rin ang focus crimes ng 56 insidente.
Sa kampanya kontra droga, 846 suspek ang nahuli sa 559 operasyon, kabilang ang 46 high-value targets.
Umabot din sa mahigit P31.1 million ang halaga ng shabu na nasabat ng kapulisan.
Nadakip din ang 759 wanted persons, kabilang ang 108 na kabilang sa mga Top Most Wanted, habang 109 na armas ang nakumpiska o isinuko.