Nilinaw ni PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo na ang pag-relieved sa pwesto ni Cebu Provincial Police Office (PPO) Director Col. Engelbert Soriano ay para sa “Career advancement”ng opisyal.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Fajardo sa gitna ng mga spekulasyon na ang pag-alis sa pwesto kay Soriano ay dahil sa pagpanig niya kay Cebu Gov. Gwen Garcia sa pag-lift ng facemask requirement sa Cebu.
Paliwanag ni Fajardo, alinsunod sa PNP Memorandum Circular 2022-002, ang posisyon ng Provincial Director, City Director o chief of Police ng NCRPO ay dapat hawak ng isang koronel sa loob lang ng isang taon.
Maari aniya itong I-extend ng tatlong buwan ng may pahintulot ng PNP Chief.
Ayon kay Fajardo, si Soriano ay naglingkod na sa kanyang pwesto ng mahigit isang taon.
Panahon na rin aniya na mabigyan ng bagong pwesto ang opisyal para magkaroon din ng pagkakataon na umangat ang mga iba pang kwalipikadong Police Commissioned Officers.
Kinumpirma ni Col. Fajardo na si Col. Elmer Lim ang itinalagang officer-in-charge ng Cebu Police Provincial Office.