Nananatiling naka-full alert ang Philippine National Police (PNP) kasabay ng pag-obserba ng Sabado de Gloria, Abril 4.
Sa isang statement, inihayag ng PNP na patuloy na naka-deploy ang kapulisan sa mga pangunahing lugar para asistihan ang mga biyahero at mga nagoobserba ng mga tradisyon sa Banal na Araw na ito, kasabay ng paalala sa mga simpleng pag-iingat gaya ng pagplano sa biyahe, pagsunod sa batas-trapiko at pagbantay sa mga bata malapit sa tubig, upang makatulong na matiyak ang ligtas at masayang holiday.
Iniulat naman ng PNP na naging mapayapa ang kabuuan ng pag-obserba ng Biyernes Santo kung saan naging maayos ang pag-obserba ng mga Katoliko ng mga misa at prusisyon.
Bunsod naman ng inaasahang pagdagsa ng maraming Pilipino sa mga tourist destinations at resorts bukas, Easter Sunday, nagpaalala si PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa publiko na magplano nang maaga, mag-ingat at sundin ang mga simpleng paalala ng pambansang pulisya upang maging ligtas at mapayapa ang paggunita ng Mahal na Araw kasama ang pamilya at kaibigan.
Hinihikayat din ng PNP Chief ang publiko na sakaling may emergency, huwag mag-atubiling tumawag sa Unified 911 o magtungo sa pinakamalapit na presinto.
















