Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na naghihintay na lang sila ng official report sa resulta ng autopsy sa labi ng artist na si Bree Jonson.
Ayon kay PNP chief General Guillermo Eleazar, natapos na kahapon ng Crime Laboratory sa Police Regional Office 1 ang autopsy sa katawan ni Jonson na natagpuang walang buhay sa isang resort sa San Juan noong Sabado, September 18.
Paliwanag ni Eleazar, nais nilang mabigyang linaw kung ano ba talaga ang nangyari at nakikipagtulungan na sila sa National Bureau of Investigation (NBI) sa pag-iimbestiga.
Siniguro ni Eleazar ang pagiging patas ng kanilang imbestigasyon lalo pa’t may mga naglulutangan na namang ispekulasyon sa kaso.
Matatandaan na kinukuwestyon ng pamilya ni Jonson ang naging maagang pagpapalaya kay Julian Ongpin na siyang huling nakasama ng dalaga bago ito masawi noong Sabado.
Ito’y matapos siyang magpositibo sa drug test at makuhanan ng 12.6 na gramo ng cocaine sa kanilang inuupahang kuwarto.
“Naisagawa na ang autopsy sa mga labi ni Bree Jonson at hinihintay na lamang ang official report nito upang mabigyan linaw kung ano ba talaga ang nangyari. Nagtutulungan sa ngayon ang PNP at ang NBI sa pag-iimbestiga ng kasong ito,” pahayag ni PGen Eleazar.