Nakapagatala ng 422 bagong kaso ng COVID-19 ang Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Administrative Support to COVID 19 Operations Task Force Commander (ASCOTF) at PNP Deputy Chief for Administration (TDCA) Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, ito na ang pinakamataas na kaso na nadagdag sa PNP sa loob lang ng isang araw.
Batay sa datos ng PNP Health Service mahigit 100 at mahigit 200 lang pumapalo ang bagong kaso ng COVID-19 sa PNP kahit pa may ‘surge’ o pagtaas ng mga kaso.
Pinakamaraming bagong kaso ng COVID 19 ay mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na may 214 COVID-19 cases.
Sinundan ng Cagayan Police na may 33 kaso at Calabarzon Police na may 25.
Sinabi naman ni Vera Cruz na may mga 171 na bagong recruit sa PNP na unang nagnegatibo sa admission test at nagpositibo sa COVID 19 makalipas ang isinagawang re-swabbing.
“Yan ang highest. 171 diyan ay recruits sa NCR Training Center who tested negative in their initial swab prior admission but were later tested positive after 14 days reswab. Majority naman sa kanila ay asymptomatic,” mensahe ni Lt.Gen. Vera Cruz.
Samantala, 174 naman ang mga bagong gumaling sa PNP.
Dahil sa mga bagong nagkasakit at gumaling, 2,501 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa PNP.
Wala namang nadagdag sa mga nasawi kaya nananatili ang bilang nila sa 108.