Tiniyak ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar na handa ang PNP sa pagpapatupad ng granular lockdown sa Metro Manila kung ito ang ipag-utos ng IATF pagtatapos ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Setyembre 7.
Ang granular lockdown ay pagsasara ng bahagi ng barangay, na may mataas na kaso ng COVID 19.
Sa datos ng PNP, may 51 barangays sa Metro Manila ang kasalukuyang nakapailalim sa granular lockdown.
Inatasan na ni PNP chief, ang lahat ng police commanders sa Metro Manila sa pamamagitan ni Joint Task Force COVID Shield headed by PLTGEN Israel Ephraim Dickson at NCRPO Regional Director PMGEN Vicente Danao, Jr. na makipag-ugnayan sa kani-kanilang Lokal na Pamahalaan tungkol sa pagpapatupad ng granular lockdown.
Ayon kay PGen Eleazar, batay na rin sa kautusan ni SILG Eduardo Año, direktiba nito sa mga police commanders sa Metro Manila na makipag-ugnayan sa kani-kanilang local government units sa pagpapatupad ng granular lockdown upang matiyak ang maayos na pagpapatupad at maiwasan ang kalituhan sa pagpapatupad nito.
Sinabi pa ng PNP Chief na bago pa man ang anunsiyo ng granular lockdown, kaniya nang inatasan ang lahat ng police commander sa Metro Manila na maghanda sa posibleng pagpapatupad nito.
“I urge the public to cooperate with measures and regulations that the government is imposing to stop the surge in COVID-19 cases. Kung hindi man para sa ating sarili ay sumunod tayo sa mga public health safety at quarantine protocols para sa kaligtasan at kalusugan ng ating mga mahal sa buhay,” dagdag pa ni PNP chief.
Nauna nang sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na ang pilot testing para sa granular lockdown sa Metro Manila ay magsisimula sa Setyembre 8. Matapos nito ay pag-aaralang maigi bago magibigay ng rekumendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi naman ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na mabuti ang granular lockdown para sa ekonomiya dahil maraming negosyo at mga establisyemento ang papayagan nang mag-operate sa gitna ng COVID-19 pandemic.