-- Advertisements --

Target ng National Irrigation Administration (NIA) na ikonekta ang solar-powered pump irrigation project sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa water management alinsunod sa nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa 2025 post-SONA forum sa Food Security and Economic Development, inihayag ni NIA Administrator Engr. Eduardo Guillen na may mga natapos ng mga proyekto ang NIA kasama ang DPWH at planong magsagawa ng inagurasyon para makita na ng taumbayan at mapakinabangan ang flood control projects para sa pagproduce ng pagkain.

Ayon pa sa opisyal, mabilis matapos sa loob lamang ng apat hanggang anim na buwan ang solar pump irrigation kayat ramdam agad ang epekto nito sa mga magsasaka.

Kabilang sa solar-powered pump irrigation projects na bahagi ng climate-smart irrigation agenda ng NIA chief ay ang Cabaruan SPIP sa Quirino Isabela, na pinakamalaki sa ilalim ng naturang proyekto. Malaki naman ang maitutulong ng naturang solar project para makatipid ang mga magsasaka dahil hindi na nila kailangan pang gumastos nang malaki sa pagbili ng produktong petrolyo.

Ang isa pang solar project ng ahensiya ay ang Jalaur River Multipurpose Project – Stage II sa bayan ng Calinog, Iloilo. Nasa halos 32,000 ektaryang lupain ang naseserbisyuhan nito kung saan 25,000 magsasaka ang nabebenipisyuhan. Bukod din sa irigasyon, makakatulong ang nabanggit na proyekto sa pagkontrol ng baha, paglikha ng kuryente at pagpapaunlad pa ng pangisdaan at turismo sa lalawigan.

Sa ikaapat na ulat sa bayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaniyang ipinunto ang kahalagahan ng malalaking proyektong pang-irigasyon at paggamit ng renewable energy para mapalakas pa ang sektor ng agrikultura sa bansa.