-- Advertisements --

Nakaalerto ang Philippine National Police (PNP) sa posibleng epekto ng bagyong Francisco habang papalapit sa bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ipinatutupad ng police units na nasa ground ang disaster response protocol at nakikipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad para sa mabilis na pagresponde o aksiyon para masiguro ang kaligtasan ng mamamayan.

Ayon pa sa PNP chief, ipagpapatuloy ng kapulisan ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalan para sa posibleng pre-emptive evacuations at iba pang mga paghahanda para matiyak ang kaligtasan ng mga nasa apektadong komunidad.

Aniya, base sa forecast ng state weather bureau, bagamat tinatayang hindi tatama sa kalupaan ang bagyo, maaari nitong paigtingin ang hanging habagat o southwest monsoon, na maaaring magdulot ng mabibigat na pag-ulan simula ngayong araw.

Ito aniya ang ikinababahala ng police units, ang mabibigat na pag-ulan, na kadalasang nagdudulot ng mga baha at pagguho ng lupa na direktang nakakaapekto sa mga mabababang komunidad.

Kaugnay nito, hinihikayat ng pambansang pulisya ang publiko na makinig sa opisyal na mga abiso mula sa mga lokal na otoridad.