-- Advertisements --

Isinailalim na sa Alert level Alpha ang ilang lalawigan sa Northern Luzon dahil sa lalo pang paglakas ng bagyong Francisco habang kumikilos sa silangang bahagi ng Philippine Sea.

Sa ilalim ng naturang alerto, pinapabantayan na sa mga lokal na pamahalaan ang kalagayan ng mga residente dahil sa posibilidad ng pagbaha, mga serye ng pagguho ng lupa, at ang epekto ng masungit na karagatan.

Kinabibilangan ito ng mga probinsiya ng Isabela, Batanes, at Cagayan.

Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG) – Central Office Disaster Information Coordinating Center (CODIX), posibleng makaranas ng lakas ng hanging aabot sa 65km/h ang mag naturang probinsiya at magresulta sa pagkatumba ng mga puno, poste ng kuryente, at iba pang pinsala sa mga ari-arian.

Maaari ring makaranas ng katamtaman hanggang mabibigat na pag-ulan ang mga naturang lalawigan.

Bagaman hindi inaasahang mag-landfall ang bagyo, patuloy na pinag-iingat ng DILG ang mga local government unit (LGU) sa mga panganib na dala ng malakas na bagyo.

Una nang umabot sa typhoon category ang naturang bagyo nitong nakalipas na linggo at naabot na ang lakas na papalo sa 170 kilometers per hour (kph). Patuloy din ang paglakas nito habang gumagalaw sa silangang karagatan ng Pilipinas.