Inilagay ng Department of Education (DepEd) sa alerto ang mga paaralan sa gitna ng inaasahang epekto ng bagyong Francisco, na nananatiling nasa teritoryo ng Pilipinas.
Bilang tugon, hinikayat ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service ang mga paaralan, division offices at regional offices na masusing subaybayan ang weather bulletins at agad na magpakalat ng updates sa mga mag-aaral, guro at school personnel.
Inatasan din ng ahensiya ang mga paaralan na panatilihin ang communication channels, i-activate ang School Disaster Risk Reduction and Management teams at contingency plans kung kinakailangan at makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at disaster risk reduction councils para palakasin ang mga ginagawang paghahanda.
Inaabisuhan din ang mga opisyal ng mga paaralan na i-secure ang mga pasilidad, learning materials at kagamitan na posibleng mapinsala ng bagyo at mag-preposition ng emergency supplies at resources alinsunod sa umiiral na disater preparedness guidelines.
Samantala, committed din ang DepEd na siguruhin ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng mga mag-aaral at staff sa mga eskwelahan.
















