-- Advertisements --
matinong Mayor South Cotabato

KORONADAL CITY – Mayroon nang persons of interest na tinitingnan ang Sto. Nino PNP kasunod ng pagbaril-patay sa alkalde ng Sto Nino, South Cotabato na si Mayor Pablo Matinong dakong alas-8:00 kahapon ng umaga sa bahagi ng Purok Libertad, Barangay Poblacion.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Captain Ian Bagot, hepe ng Sto Niño Municipal Police Station, batay sa salaysay ng mga testigo, dalawang lalaki na nakasakay umano sa kulay itim na may halong pula na XRM na motorsiklo ang bumaril sa naturang opisyal.

Tugma ito sa CCTV footage na nakuha ng mga otoridad at patuloy nang iniimbestigahan.

Limang bala ang tinamo ng alkalde at tama sa ulo ang naging dahilan ng agarang pagkamatay nito.

Kaagad namang tumakas ang mga suspek matapos ginawa ang krimen.

Mariin namang kinondena ng Sto Nino PNP ang nangyaring pagbaril kay Mayor Matinong.

Sa ngayon personal grudge, pulitika at diumano’y pagkakasangkot nito sa listahan ng mga narcopolitician ang mga motibo na tinitingnan sa pagpatay sa opisyal.

Matatandaang kabilang ang pangalan ng alkalde sa mga pinangalanan ni Pangulong Duterte nga umano’y sangkot sa ilegal na droga.

Mariin namang pinabulaanan ng alkalde na sangkot siya sa droga at gumawa ng paraan upang malinis ang kaniyang pangalan.

Si Mayor Matinong ay nasa ikalawang termino na nito bilang alkalde ng naturang bayan.

Nabatid na bago pa man ang insidente, nakatanggap na umano ng mga banta sa buhay ang alkalde.

Sa ngayon naka-half mast ang mga watawat ng Pilipinas sa bayan ng Sto. Nino kasunod ng nangyari.