-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na mayroon na silang mino-monitor na persons of interest kaugnay sa pagkakapatay sa dating kinatawan ng Quezon province.

Ayon kay PNP Spokesman BGen. Bernard Banac, inaalam na ng PNP ang motibo sa pagpatay kay dating Rep. Edgar Mendoza.

Sinabi ni Banac, isa sa mga mga tinitingnan din ng PNP ay kung sino ang nakapulong ni Mendoza sa Calamba, Laguna bago ito matagpuang patay.

Ayon kay Banac isinasailalim na rin sa DNA testing ang tatlong sunog na bangkay na natagpuan sa loob ng kotse sa Tiaong, Quezon kahit pa positibo na itong kinilala ng kanilang mga kaanak.

Magugunitang natagpuan ang labi ni Mendoza at ng dalawang aide nito sa nasusunog na kotse sa Tiaong noong Enero 8.

Samantala, bumuo na rin ng Special Investigation Task Group (SITG) ang Police Regional Office (PRO)-1 sa pagpatay din kay retired Police General at dati ring kongresista na si Marlou Chan.

Ani Banac, masusing tinitingnan ang lahat ng mga anggulo kabilang na ang dating trabaho ni Chan bilang pulis.

Si Chan ay walang habas ding tinambangan sa Pangasinan nitong Enero 9.