Binabantayan na rin ng PNP Maritime Group ang Dolomite Beach sa Manila Bay sa Roxas Boulevard kontra krimen at sa mga hindi sumusunod sa health protocols.
Direktiba ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na bantayan ang mga pasyalan matapos ang nangyaring pagdagsa ng mga namamasyal mula noong weekend.
Ito ay kasunod sa paglalagay sa Alert Level 3 sa National Capital Region (NCR) dahilan para bumuhos ang publiko sa mga pasyalan sa Metro Manila.
Dahil dito, ipinag-utos din ni Eleazar ang pagdaragdag ng mga pulis na magbabantay lalo na ang Dolomite Beach na dinadayo ng mga tao.
Ang PNP Maritime Group ay agad na nag- deploy ng mga tauhan na nakabiskleta sa Roxas Boulevard lalo na sa paligid ng Dolomite Beach.
Ayon kay PNP Maritime Unit NCR commander Col. Oliver Tanseco ang kanilang mga tauahn ang siyang magsisilbing beach patroller sa Manila Bay.
Dagdag pa ni Tanseco, tutulong sila sa pagpapatupad ng utos ng PNP chief na pagsunod sa minimum public health standard para maiwasan ng lubusan ang pagdami ng mga nahahawa sa COVID-19 virus.
Bukod sa mga naka-bike na Maritime Police, mayroon din silang foot patrol at seaborn na nagpapatrulya sa Manila Bay gamit ang kanilang mga rubber boat at high speed tactical water craft.
“Kami rin po ang magpapatupad ng general law enforcement po sa lugar para naman wala manamantala sa mga kababayan natin na namamasyal po dyan at the same time po to ensure yung ating peace and order at saka po mga concern ng ating mamamayan lalo na po sa nga criminal dyan sa area,” pahayag pa ni Col. Tanseco.
Una nang ipinag-utos ni DILG Sec Eduardo Ano sa PNP na mag-deploy ng dagdag na tauhan sa mga pasyalan upang maipatupad pa rin ang minimum public health standard dahil nananatili ang banta ng virus.
Kabilang din sa mga tinukoy na dinadagsa ng mga tao ang malls, parke at mga simbahan.