Mariing kinondena ni Police Regional Office-8 (PRO-8) Regional Police Director PBGen. Bernard Banac ang isinagawang pag-atake ng mga miyembro na tinaguriang Communist Terrorist Group (CTG) habang nagsasagawa ng humanitarian mission ang 804th Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion-8 at 2nd Eastern Samar Provincial Mobile Force Company sa pangunguna ni PLt. Mark Mohn Amistoso.
Batay sa report, nakasagupa ng mga pulis ang humigit-kumulang 10 mga rebelde na nagresulta sa pagkamatay ni Patrolman Mark Monge sa may bahagi ng San Nicolas, San Jose de Buan at Brgy. Mabuhay bayan ng Gandara na parehong sakop ng probinsya ng Samar, kahapon ng umaga, Sabado, July 16, 2022.
Ayon kay PBGen. Banac, magkasabay na nagsasagawa ng humanitarian mission ang mga tauhan ng PNP at isang police operation sa paligid ng mga nabanggit na bayan nang bigla silang pinaputukan ng mga kumunista.
Kaagad namang nag-retaliate ang pwersa ng kapulisan kung saan tumagal ng halos limang minuto ang labanan.
Hindi umano nakayanan ng mga rebelde ang lakas ng pwersa ng mga pulis dahilan para umatras at tumakas ang mga ito patungo sa Northeast ng encounter site.
Sa nasabing labanan, malubhang nasugatan si Monge at idineklarang dead on arrival nang isinugod ito sa pinakamalapit na ospital.
Undetermined casualties naman ang naiulat sa panig ng mga kalaban.
Ikinalulungkot ni BGen. Banac ang nangyari at nagpaabot nang pakikiramay sa kaanak ng nasawing pulis.
“Sa pagkamatay ni Pat Monge, ang buong hanay ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas ay mariing kinokondena ang ganitong kataksilan na ginawa ng mga miyembro ng CTG. Hindi tayo titigil sa pagtugis sa mga salarin. Ang CTG ay isa sa mga ugat ng kahirapan sa mga hinterland areas ng Eastern Visayas, at ito ay kailangang wakasan. Mas paiigtingin pa natin ang kampanya laban sa insurhensiya,” pahayag pa BGen. Banac.