Pinalakas pa ng Philippine National Police (PNP) ang pakikipag-ugnayan nito sa Pamahalaan ng Israel.
Layon ng hakbang na ito na mapahusay ang pagbabahagi ng impormasyon o intelligence sharing, isulong ang modernisasyon ng mga programa sa pagsasanay ng mga pulis, at maipatupad ang mga pinakamahusay na pamamaraan at estratehiya sa pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko, pati na rin ang pagpapatibay ng community policing.
Ang pahayag na ito ay ginawa ni acting PNP Chief, Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., matapos ang pagbisita sa kanya ni Israeli Ambassador to the Philippines Dana Kursh sa Kampo Crame para sa isang courtesy call kahapon.
Sa nasabing pagbisita, nagkaroon ng pagkakataon ang dalawang panig na talakayin ang matibay na pagkakaibigan at ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Israel.
Binigyang-diin din ang pagpapalawak ng kooperasyon sa iba’t ibang mahahalagang larangan, kabilang na ang seguridad, pagpapalakas ng kapasidad o capacity building ng mga tauhan, at ang mas pinaigting na pagbabahagi ng impormasyon.
Bukod pa rito, tinukoy din sa pag-uusap ang mga praktikal na inisyatiba para sa intelligence sharing, kabilang na ang posibleng pagpapalitan ng mga personnel o tauhan, at ang pagbuo at paglulunsad ng mga magkasanib na programa sa pagsasanay.
Ayon kay Nartatez, sa pamamagitan ng mga kolaborasyon at pagtutulungan na ito, layunin ng PNP na palakasin at paghusayin ang kakayahan nito sa crime prevention o pagpigil sa krimen, pagtugon sa mga emergency o emergency response, at ang pangkalahatang pagpapabuti ng kaligtasan ng komunidad.
















