Maghihigpit sa seguridad ngayon ang Philippine National Police (PNP) para sa implementasyon ng ‘zero violence’ sa paparating na eleskyon sa Mayo 12.
Ito ang pangunahing direktiba ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil sa mga itatalagang pulis para sa eleksyon ngayong darating na Lunes.
Aniya, mararamdaman ng publiko ang striktong implementasyon sa mga checkpoints at chokepoints sa buong bansa.
Ito ay kaugnay pa rin sa mas pinaigting na monitoring ng PNP sa implementasyon ng gun ban na patuloy pa ring nagkakaroon ng mga naitatalang paglabag mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kasunod nito ay iminungkahi rin ng hepe ang kahalagahan ng pagbabantay sa mga pantalan sa bansa dahil sa mga botanteng uuwi pa sa kani-kanilang mga probinsiya para bumoto.
Aniya, kailangang matiyak na walang magiging disgrasya o maitatalang aksidente sa mga transportation hubs para matiyak ang seguridad at kayusan sa publiko lalo na sa weekends kung saan inaasahan na ang paguwi ng ilan.
Maliban naman sa direktiba ni Marbil na paigtingin ang seguridad sa mga checkpoints at maging sa mga pantalan ay nagbigay din ng isang mahigpit na paguutos ang hepe sa mga commanders at tauhan ng kanilang hanay mula sa iba’t ibang regional offices na dapat makita ang presensya ng PNP sa mga lansangan.
Aniya, dapat ay bumaba sa mga komunidad ang mga command officers at gamitin ang kanilang buong kapasidad para mapigilan ang mga anumang banta ng kaguluhan na maaaring mangyari sa mismong araw ng eleksyon.
Kasunod nito ay nagbabala naman ang hepe na kung sino man mula sa kanilang hanay ang lumabag sa direktibang ito at nagpabaya sa kanilang sinumpang tungkulin ay papatawan ng mga kaukulang kaso.
Samantala, simula naman bukas, Mayo 8, ay maguumpisa na ang full force deployment ng kanilang hanay habang sa Mayo 9 naman ang implementasyon ng Kontra Bigay campaign upang maiwasan ang mga maitatalang vote-buying habang papalapit ang midterm elections.