Ipinag-utos ni PNP vhief Gen. Guillermo Eleazar sa lahat ng pulis na istriktong ipagpatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng mga protocol na inilatag ng national government bilang tugon sa nagpapatuloy na banta ng COVID-19.
Ito’y kasunod ng babala ng Department of Health (DOH) sa publiko tungkol sa COVID-19 Delta variant na laganap sa buong mundo.
Ayon sa DOH, kailangang higpitan ang pagpapatupad ng border control checkpoints para pigilan ang pagpasok ng mga bagong kaso ng variant na ito sa bansa at pagkalat nito sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Ayon kay Eleazar, hindi lang mga pulis, kundi lahat ng mamayan ay may papel na dapat gampanan para mapigilan ang pagkalat ng variant na ito.
Sa panig aniya ng PNP, makakaasa ang mga mamayan na patuloy ang mahigpit na pagbabantay sa mga Quarantine Control Points, lalo na sa mga lugar kung saan may mataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19.
Hinimok naman ni Eleazar ang publiko na bukod sa pagpapabakuna, magkaroon ng disiplina sa pagsunod sa mga health protocols na inilatag ng IATF.
Binigyang-diin ni Eleazar na matagal na itong panawagan ni DILG Sec. Eduardo Ano na magkaroon ng kusa ang ating mga kababayanna sumunod sa panuntunan ng IATF upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 virus.
Samantala, sa kabila ng kontrobersiya sa operasyon ng PNP na pagkakapatay sa dating pulis na dating Mayor ng Talitay, Maguindanao habang nasa police custody at ang operasyon sa Binan, Laguna na ikinasawi ng 16-anyos na teenager at isang drug suspek ay hindi naman daw ito hadlang sa pinalakas na kampanya ng PNP laban sa iligal na droga.
Sinabi ni Eleazar hindi titigil ang PNP hangga’t hindi nahuhuli ang mga notorious drug personalities sa buong bansa.
Gumugulong na ang imbestigasyon ng PNP at maging ang motu propio investigation ng PNP IAS upang mabatid kung may lapses at nasunod ng mga operatiba ang police operational procedure.
Siniguro ni Eleazar kung mapatunayang may pagmamalabis sa panig ng mga pulis, mananagot ang mga ito sa batas.