ILOILO CITY – Kinondena ng Police Regional Office 6 ang pagpapasabog ng Improvised Explosive Device ng New People’s Army sa tropa ng Iloilo Mobile Force Company sa Tubungan, Iloilo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Pol. Lt. Col. Joem Malong, tagapagsalita ng Police Regional Office 6, sinabi nito na dismayado siya dahil nangyari ang insidente kasunod ng unilateral ceasefire sa pagitan ng gobyerno at rebeldeng grupo.
Ayon kay Malong, mas makakabuti kung ibasura na lang Suspension of Offensive Police Operation dahil hindi sumusunod sa usapan ang New People’s Army.
Napag-alaman na patungo sana ang tropa ng 1st Iloilo Provnicial Mobile Force Company na pinamumunu-an ni Pol. Major Abner Jordan sa Brgy. Singon, Tubungan, Iloilo, sakay sa back to back patrol vehicle kasama ang tropa ng 601st company ng Regional Mobile Force Batallion 6 na pinamumunu-an nina Police Capt. Bonifacio Alabe at Pol. Lt. Joy Melvin Dulce ng mangyari ang insidente.
Nasugatan naman sina Patrolman Eric Galve at Police Staff Segeant Ian John Lindo habang nasira naman ang kanilang mobile patrol.
Tumakas ang mga rebelde patungo sa Sitio. Obay, Brgy. Sto. Nino, Tubungan, Iloilo.
Pinaniniwalaan na ang mga naka-engkwentro ng tropa ng gobyerno noong Sabado ay siya ring nagpasabog ng Improvised Explosive Device.















