-- Advertisements --
leody

Wala umanong katotohanan ang alegasyon ni presidential aspirant Leody de Guzman na siya ang target ng pamamaril sa isang plantasyon sa Quezon, Bukidnon kahapon.

Ito ay batay sa ulat ng chief of police ng Quezon Municipal Police Station.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, ang nangyaring pamamaril ay mga warning shot mula sa mga security guard ng isang pribadong plantasyon na tinangkang pasukin ng grupo ng mga katutubo.

Dito na aniya nagkaroon ng komosyon kung saan nagkaroon ng minor injuires ang ilan sa mga katutubo.

Sa kabilang dako, ayon sa Philippine National Police (PNP), premature pa na sabihin na election-related ang nangyaring pamamaril sa grupo ni presidential candidate Leody de Guzman.

Nangyari ang insidente habang nakikipagpulong si De Guzman sa isang grupo ng indigenous group sa nasabing lugar.

Sa isang pahayag, sinabi ng PNP na nagsasagawa na sila ngayon ng malalimang imbestigasyon ukol sa insidente.

Isang indibidwal ang nagtamo ng gunshot wound sa kanang paa at kasalukuyang ginagamot na sa hospital.

Ayon kay PNP chief Gen. Dionardo Carlos, inaalam na nila ang circumstances ng insidente.

Una rito, sinabi ng Bukidnon PNP na walang proper coordination sa mga otoridad ang grupo ni De Guzman na bibisita ito sa lugar na may standing court case.

Nilinaw ni PNP chief, na hindi ipinagbabawal ang pagbibigay ng area security lalo na sa mga identified high-risk zone.

Ang ipinagbabawal lamang ay ang pagkuha ng body guards na walang Certificate of Authority mula sa Comelec.

Siniguro ni Carlos, na kanilang aalamin ang katotohanan sa likod ng pamamaril at mananagot ang dapat managot.

Iniimbestigahan na rin ng Commission on Elections (Comelec) ang nasabing insidente.