-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Patuloy na sinisiyasat ng pamunuan ng Camp Lt. Rosauro Toda Jr. ang pagkakasangkot ng isang kasapi ng Echague Police Station sa robbery extortion.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Police Col. James Cipriano, Provincial Director ng Camp Lt. Rosauro Toda Jr. na patuloy pa rin nilang sinisiyasat ang pagkakasangkot sa robbery extortion ni Police Master Sgt. Arthur Salvador ng Echague Police Station.

Sinabi ng opisyal na habang isinasagawa ang imbestigasyon ay mananatili muna sa himpilan ng pulisya sa lungsod ng Santiago ang naturang pulis.

Pagkatapos nito ay dadaan din siya sa inquest proceedings pero depende sa magiging desisyon ng korte.

Ayon kay Cipriano, pinili nilang isagawa sa Santiago City ang entrapment operation laban kay Salvador dahil posibleng makilala niya ang mga pulis na magsasagawa ng operasyon kung sa Isabela ito isinagawa.

Malaki aniya ang epekto nito sa mga pulis sa Isabela kaya dapat magsilbi itong aral sa mga pulis dahil patuloy pa rin ang internal cleansing sa Philippine National Police (PNP).

Inamin ni Cipriano na may mga minomonitor pa silang police scalawag sa Isabela.

Gayunman ay tumanggi siyang pangalanan sila para hindi makumpromiso ang kanilang monitoring.

Matatandaang nagsagawa ng entrapment operation ang pinagsanib na puwersa ng Regional Integrity Monitoring and Enforcement Team (RIMET) ng Police Regional Office Region 2 (PRO2), Presinto Uno ng Santiago City Police Office (SCPO), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Echague Police Station laban kay Salvador dahil sa reklamo ng isang Nimfa Remigio na kinikikilan siya ng naturang pulis.

Ayon sa Ginang, humihingi umano ang pulis ng P1.2 million kapalit ng pag-aayos nito sa mga nakabinbin niyang kaso na estafa.

Mariin naman itong itinanggi ng suspek at iginiit na na-frame up lamang.