-- Advertisements --
PGen Roberto Fajardo
PGen Roberto Fajardo/ FB image

Nanawagan si Philippine National Police-Civil Security Group (PNP-CSG) acting director B/Gen. Roberto Fajardo sa lahat ng security agencies na isuko na ang lahat ng kanilang high-powered firearms para sa pag-iingat.

Ito’y matapos na maagawan ng limang AK-47 rifles ang mga security guard ng AY-76 security agency na nagbabantay sa Minergy power plant sa Sitio Bahusan, Barangay Quezon, Balingasag, Misamis Oriental, nang salakayin sila ng New People’s Army (NPA).

Ipinaalala ni Fajardo na may memorandum na inilabas ang CSG sa Firearms and Explosives Office (FEO) at Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) base sa kautusan ng Pangulong Duterte noong May 2017, na nagbabawal sa mga sibilyan na mag-ingat ng mga high-powered firearms.

Sinabi ni Fajardo, nag-comply naman ang karamihan sa mga security agencies pero base sa kanilang records, 71 ang high powered firearms ng AY-76 security agency at 64 lang ang kanilang isinuko.

Kasalukuyan aniyang iniimbentaryo ng CSG ang lahat ng mga high-powered firearms na naka-register sa mga security agencies at private security providers para matukoy kung sino pa ang mga hindi naka-comply.

Babala ni Fajardo, tatanggalan ng license to operate ng PNP-SOSIA ang mga hindi maka-comply sa kautusan.