-- Advertisements --

Umapela si PNP chief Oscar Albayalde sa ilang sektor na tila sinasamantala umano ang sitwasyon kung saan kinokondisyon ng mga ito ang kaisipan ng publiko na ang ginagawa ng mga pulis na paghuli sa mga tambay ay paglabag daw sa karapatang pantao.

Binigyang-linaw ni Albayalde na ang dahilan sa pag-aresto sa ilang mga tambay ay dahil sa paglabag ng mga ito sa mga umiiral na mga ordinansa ng iba’t ibang siyudad.

Umalma naman si PNP chief sa akusasyong “anti-poor” ang kanilang kampanya laban sa tambay.

Tanong pa ni Albayalde kung paano raw magiging “anti-poor” ang atas kung ilan sa kanilang nahuhuli ay mga nakabihis din ng pang-mayaman.

Aniya, nagbaba na siya ng direktiba na dapat ay mahigpit na sundin ng mga pulis ang kanilang police operational procedure (POP) sa paghuli sa mga lumalabag sa mga lokal na ordinansa.

Sa ngayon, walang natatanggap na ni isang reklamo ang PNP na nilabag ang karapatang pantao ng isang indibidwal na hinuli ng mga pulis dahil sa paglabag ng city ordinances.

Giit ni Albayalde na kung mayroon mang nagsasabi na nilalabag ang karapatan ng mga mahihirap na indibidwal ay alegasyon ito ng ilang sektor na kritiko ng PNP.