-- Advertisements --
PNP chief gamboa 2
PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa

Wala umanong problema kay PNP chief General Archie Francisco Gamboa na humarap sa Senado sakaling buksan muli ang imbestigasyon sa Mamasapano massacre.

Ayon kay Gamboa, nakahanda ang Philippine National Police na magbigay ng mga kaukulang dokumento hinggil sa naturang insidente at maipaliwanag ang kanilang polisiya sa pagsasagawa ng police operations.

Una nang inihayag ni Senator Richard Gordon na pinag-aaralan niyang muling buksan ang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa Mamasapano.

Ito ay matapos madismaya sa pagkakabasura ng reklamong graft at usurpation laban kina dating PNP chief Director General Alan Purisima at PNP Special Action Force Director Getulio Napenas.

Matatandaang 44 na SAF commandos ang nasawi sa nabigong Oplan Exodus o ang operasyon laban sa mga terorista na sina Zulkifli bin Hir alyas Marwan at Basit Usman sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.