-- Advertisements --

Magtutulungan na ang Philippine National Police (PNP) and the National Bureau of Investigation (NBI) sa pag-iimbestiga sa kaso sa pagkamatay ng artist na si Breana “Bree” Jonson sa La Union.

Ayon kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na ilang araw nang nagtutulungan ang PNP at NBI sa pag-iimbestiga sa kaso ni Jonson ng sa gayon walang maging banggaan sa resulta ng imbestigasyon kung saan iisa lamang ang kanilang layon na makamit ang katotohanan sa pangyayari.

Sinabi ni PNP chief si PRO-1 regional police director B/Gen. Emmanuel Peralta ang nangunguna sa imbestigasyon at patuloy ang ginagawa nitong information sharing sa NBI agents.

Una rito inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang NBI na tutukan ang kaso ni Jonson matapos hilingin ito ng pamilya Jonson.

Una nang sinabi ng PNP na asphyxia ang sanhi ng pagkamatay ni Jonson.

Binigyang-diin din ni Eleazar na kanilang nirerespeto at naiintindihan nila ang desisyon ng pamilya Jonson.

Siniguro ni Eleazar na magiging transparent ang PNP sa kanilang imbestigasyon at walang kinikilingan sa nasabing kaso sa kabila ng ng mga alegasyon na posibleng magkaroon ng cover-up dahil ang sangkot sa kaso ay si Julian Ongpin, anak ng bilyonaryo at dating trade minister na si Bobby Ongpin.  

Batay sa inisyal na resulta ng imbestigasyon, kapwa nagpositibo sa cocaine ang nakababatang Ongpin at si Jonson.

Nasa 12.6 grams na cocaine ang narekober sa kwarto na inookupahan nina Ongpin at Jonson na siyang naging basehan sa pagsampa ng PNP ng kasong illegal drugs laban kay Ongpin.

Subalit iniutos ng La Union Provincial Prosecutor’s Office ang paglaya ni Ongpin.