-- Advertisements --

Nanawagan si House impeachment team adviser at spokesperson Ace Barbers ng kaunting luwag sa pagpapatupad ng sub judice rule sa paglilitis sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Barbers, dapat payagan ang mga prosecutor na magbigay ng factual na impormasyon tungkol sa mga nangyayari sa paglilitis, basta’t hindi nila tinatalakay ang merito ng kaso o sinusubukang impluwensiyahan ang mga senator-judge.

Gayunman, sinabi ni Barbers na susunod ang House impeachment team sa utos ng impeachment court.

Sa ilalim ng ruling ni Senate impeachment court Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero, ipinagbabawal ang pampublikong pagtalakay sa mga pinagtatalunang facts, kredibilidad ng mga testigo, bigat ng ebidensiya, legal na depensa o kaso, at posibleng resulta ng paglilitis.

Giit ni Barbers, mahalagang mabigyan ang publiko ng tama at malinaw na impormasyon tungkol sa impeachment trial upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon.

Dagdag niya, dapat pare-parehong ipatupad ang sub judice rule sa lahat ng sakop nito, kabilang ang mga senator-judge.