-- Advertisements --

Inaaral ng Commission on Elections (Comelec) ang posibilidad ng pagpapaaga sa schedule ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa nakatakdang 2028 Presidential Elections.

Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, mas mabibigyan ang komisyon ng sapat na panahon upang suriin ang mga dokumento ng mga nagnanais tumakbo, kung mas maaga ang filing.

Mas maiimbestigahan din ng komisyon ang mga kontrobersyal na partylist groups at nuisance candidates para mas maaga ang pagdedeklara sa kanila bilang ‘nuisance’ o pampagulo sa halalan.

Sa ilalim ng bagong panukala, tinitingnan ng komisyon ang posibilidad ng filing period sa kalagitnaan ng Setyembre 2027.

Magiging mas maaga ito ng ilang linggo kumpara sa karaniwang unang bahagi ng Oktubre.

Ayon pa kay Chairman Garcia, mas magkakaroon din ng pagkakataon ang sinumang gustong kumuwestiyon sa mga partylist groups, habang mabibigyan ng mas magabang pagkakataon ang komisyon para resolbahin ang mga naturang isyu.

Paliwanag pa ng Comelec chair, nais nilang maiwasan ang sitwasyon kung saan nag-iimprenta na ng mga balota angkomisyon ngunit biglang maglalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema pabor sa isang nakwestiyong kandidato, at kinakailangan muling ulitin ang pag-imprenta.

Sa ganitong mga pangyayari, malaki aniya ang nasasayang na pondo ng komisyon habang malaki rin ang ibinaba ng pondo ng Comelec sa susunod na taon, batay sa inisyal na panukala ng Department of Budget and Management.