Magsasanib pwersa ang pulisya at militar sa kampanya laban sa insurgency.
Layon nito para matigil ang mga inilulunsad na karahasan ng CPP-NPA-NDF na banta sa peace and security sa nalalapit na 2022 national and local election.
Sinimulan na ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos ang pakikipag-ugnayan sa kanilang counterpart ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa gagawing joint operations na kanilang ikakasa laban sa mga natitirang miyembro ng CPP-NPA-NDF lalo na sa bahagi ng Central at Northern Luzon.
Isa kasi sa marching order ng Pangulong Rodrigo Duterte sa PNP at AFP na tuldukan ang mga terroristic activies ng komunistang rebelde.
Nais din kasi matiyak ni PNP Chief na maging maayos ang latag ng seguridad ng PNP para sa halalan.
Ngayon pa lamang naghahanda na ang PNP sa kanilang ipatutupad na security measures lalo na sa mga lugar na mataas ang banta ng magkatunggaling kandidato at may presensiya ng mga private armed groups.
Binisita ni PNP Chief nitong Miyerkules ang Northern Luzon Command kung saan nakipag pulong siya kay Nolcom Commander Lt Gen. Arnulfo Burgos hinggil sa gagawing ugnayan ng dalawang security sector na naglalayon para tapusin ang pamamayagpag ng komunistang rebelde.
Si Carlos at Burgos ay mag mistah na kapwa miyembro ng PMA Class of 1988.
Inatasan ni Carlos ang mga police commanders na magsagawa ng accounting at tututukan ang mga unauthorized firearms at bodyguards na mahigpit na ipinagbabawal ng Commission on Elections.
“I have already laid down my guidance to the PNP commanders during the Command Conference last Monday, and I expect these guidance to be cascaded and adapted in operations planning by lower units,” pahayag ni Carlos.