Maituturing umanong impyerno ang huling 24 oras ng buhay ni Philippine Military Academy (PMA) cadet na si 4CL Darwin Dormitorio.
Ito ang paglalarawan ng Philippine National Police (PNP) probe team sa pangunguna ng Baguio-PNP na nag-iimbestiga sa pagkamatay ng plebo.
Ayon kay Baguio City Police Office chief Col. Allen Rae Co, ito ay base sa mga pinagtagpi-tagping pahayag ng nasa 16 na testigo na nakausap ng PNP.
Inihayag ni Co, lumalabas na sinadya talaga o planado ang nasabing maltreatment kay Dormitorio batay na rin sa salaysay ng mga nakasaksi.
Ang ipinagtataka pa ni Co ay kung bakit UTI (urinary tract infection) ang lumabas na findings ng doktor na tumingin kay Darwin gayong may nararanasan na pala itong pagdurugo sa loob ng katawan bunsod ng mga dinanas nitong pambubugbog at pangunguryente.
Sa ngayon, nasa 90% na ang PNP sa pagkompleto ng mga kaukulang dokumento para sampahan na ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Law at murder ang anim na kadeteng suspek na tinukoy na direktang nagmaltrato kay Dormitorio.
Bukod sa anim na suspek, sasampahan din ng kaso ang dalawang medical officer ng PMA hospital na tumingin kay Dormitorio.