-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Siyento porsyento nang nakahanda ang kasong isasampa laban sa mga suspek na responsable sa pagmamaltrato kay 4th Class Cadet Darwin Dormitorio na nagresulta sa pagkamatay nito.

Ayon kay Police Regional Office Cordillera regional director Police Brigadier General Israel Ephraim Dickson, hinihintay na lamang nila ang pagdating ng kinatawan ng pamilya Dormitorio sa Baguio City para sa pagsasampa ng kaso.

Aniya, magsisilbing private complainant ang pamilya Dormitorio sa mga kasong isasampa laban sa mga suspek na responsable sa pagmaltrato sa namatay na plebo.

Sinabi nito na kabuuang pito ang bilang ng mga suspek na kadete sa pagmaltrato kay Cadet Dormitorio, maliban pa sa dalawang medical personnel ng Philippine Military Academy (PMA) Station Hospital dahil sa maling diagnosis at findings nang dinala doon si Cadet Dormitorio.

Dinagdag niya na kasong paglabag sa Anti-Hazing Law and/or murder ang ishahain ngunit magdedepende sa piskalya kung ano ang kaso na kakaharapin ng bawat suspek.

Sa ngayon, “under isolation” ang mga suspek sa stockade ng PMA hanggat hindi pa sila ipinapasakamay sa Baguio City Jail.

Magsisilbi witnesses sa kaso ang 14 na kadete, dalawang staff, isang tactical officer, at isang non-commission officer ng PMA.