Inihayag ng Department of Justice na patuloy na sinusuri pa ng prosekusyon ang mga reklamong iniimbestigahan laban kina Sen. Jinggoy Estrada at dating Senador Bong Revilla Jr.
Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, ang reklamong plunder na kinakaharap ni Sen. Jinggoy Estrada ay ‘under review’ sa kagawaran para sa ilalabas nitong resolusyon.
Ito aniya ang isinampa ng National Bureau of Investigation kontra sa mambabatas may kinalaman sa maanomalyang flood control projects.
Paliwanag ng tagapagsalita na ang pagiging ‘under review’ ng reklamo ay nangangahulugang ‘submitted for resolution’ na ito subalit kasalukuyan pinag-aaralan pa ng prosekusyon.
Matapos aniya nito at tuluyang mailabas na ang resolusyon, agad na isusumite ng kagawaran sa Office of the Ombudsman ang resulta ng imbestigasyon.
Nasa tanod-bayan na raw kasi ang hurisdiksyon sapagkat mas mataas sa ‘salary grade 27’ ang posisyon pagkasenador ng nasasangkot.
Bagama’t may isusumiteng resolusyon o ‘referral’ ang Justice Department, ibinahagi ni Spokesperson Martinez na magsasagawa pa ng hiwalay na pagsusuri ang Ombudsman hinggil rito.
Bukod kay Sen. Jinggoy Estrada, kinumpirma rin ng tagapagsalita na ‘submitted for resolution’ na ang reklamong plunder na kinakaharap ni former Sen. Bong Revilla Jr.
Ito aniya’y noong nakaraang araw kung kaya’t inaasahan mailalabas na ang resolusyon ngayong buwan ng Abril.
Gayunpaman, aminado ang Department of Justice na ang Office of the Ombudsman ang magdedesisyon kung ito’y iaakyat bilang kaso sa kaukulang korte.
















