Pumanaw na matapos na atakihin sa puso si Presidential Legislative Liason Office (PLLO) Secretary Adelino Sitoy sa edad na 85.
Kinumpirma ito ng kaniyang kapatid na si Lapu-Lapu City Vice Mayor Celedonio Sitoy ang pagkamatay ng nakakatandang kapatid, pasado ala-6:00 ng gabi nitong Huwebes sa Cebu Doctor’s Hospital.
Sinabi ng bise alkalde, nagka-cardiac arrest ang kapatid matapos na sumailalim sa angioplasty procedure noong nakaraang tatlong araw makaraang makadama ng pananakit sa tiyan.
Nauna rito, nasa pagamutan ito noong nakaraang tatlong linggo matapos na magpositibo siya sa COVID-19.
Nakalabas lamang ito ng pagamutan ng magnegatibo na siya sa swab test kasunod ng dalawang linggo.
Isinilang noong Pebrero 6, 1936 ang PLLO chief na naging miyembro ng Sangguniang Bayan ng Cordova. Naging miyembro rin siya ng provincial council, isang prosecutor, commissioner at director ng Cebu Port Authority at Metropolitan Cebu Water District.
Naging alkalde siya ng Cordova, Cebu mula taong 2007 hanggang 2016.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Palasyo kung saan nag-alay ng isang minutong pagdarasal si Pangulong Rodrigo Duterte sa isinagawang cabinet meeting nitong Huwebes ng gabi.