-- Advertisements --

Nag-iwan ng malaking pinsala sa sektor ng agrikultura sa ilang rehiyon sa bansa ang pananalasa ng nagdaang bagyong Crising at habagat.

Base sa inisyal na ulat sa pinsala sa agrikultura, pumalo sa P53 million ang halaga ng pinsala sa Region IV-B o Mimaropa at Region VI o Western Visayas kung saan naapektuhan ang mahigit 2,400 ektaryang sinasaka ng 2,099 magsasaka.

Ayon sa DA, nalubog sa baha ang mga taniman ng palay, mais at iba pang high-value crops.

Ang mga operasyon ng poultry at livestock ay dumanas din ng mga pagkalugi. Hindi rin nakaligtas sa pagbaha ang ilang National Food Authority (NFA) warehouse sa Mindoro.

Kaugnay nito, inatasan na ng Department of Agriculture (DA) ang mga ahensiya nito na maghanda at maghatid ng tulong sa lahat ng mga magsasaka at mangingisdang apektado ng pananalasa ng mga kalamidad.

Sa panig naman ng NFA, sinabi ni Administrator Larry Lacson na sinimulan na nila ang paglalabas ng stocks na bigas sa mga lokal na pamahalaan at mga ahensiya ng gobyerno para sa nagpapatuloy na pagtugon sa sakuna.