Kinumpirma ni Philippine Army Chief Lt.Gen. Cirilito Sobejana na Pinay ang dalawang babaeng suicide bombers na nasa likod ng madugong Jolo twin bombing na ikinasawi ng 14 na indibidwal habang 75 ang sugatan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Lt.Gen. Sobejana sinabi nito na mga locals ang dalawang babaeng suicide bombers na asawa nina Norman Lasuca ang kauna-unahang Pinoy bomber at Abu Talha ang conduit ng ISIS group sa Pilipinas.
Kinilala ni Sobejana ang dalawang babaeng Pinay bombers na sina alias Nanah taga Basilan at alias Inda Nay na residente ng Sulu pero lumipat at nanirahan sa probinsiya ng Tawi-Tawi.
Itinanggi naman ng heneral ang unang report na Indonesian ang isa sa dalawang babaeng bombers.
” Walang foreigner Anne, yung isa asawa ni Abu Talha yung namatay sa enkwentro at conduit ng ISIS International with the local ASG, yung isa naman ay asawa ni Norman Lasuca yung first Filipino bomber na nagpasabog nuong araw na na nag assume ako bilang Commander ng Western Mindanao Command,” pahayag ni Sobejana.
Mariin namang itinanggi ni Sobejana na nagkaroon ng security at intelligence lapses sa hanay ng militar kaya hindi napigilan ang pagsabog sa Jolo,Sulu.
Sinabi ng heneral, on track ang kanilang intelligence operation laban sa mga suspected bombers na tinatrabaho ng grupo ni Maj. Marvin Indammog na pinatay ng siyam ng pulis nuong June 29.
Naniniwala si Sobejana na kung hindi nangyari ang madugong pagpatay sa apat na military officers ay naiwasan nila ang pagsabog nuong Lunes.
“Tuloy-tuloy yung ating intelligence gathering, if you recall yung nangyari nuong June 29, kung hindi sana na disrupt yun eh nag resulta pa sa very unfortunate incident kung saan namatay yung apat nating kasamahan, talagang naka tutok yung ating mga intel operatives duon sa dalawang suspected suicide bombers na mga babae eh ito ngayon nagkaroon ng lull, though may ginawang follow-up effort pero medyo nag re-established tayo ng network o yung pag locate ng kanilang kinaroroonan, eto hindi naagapan at sumabog na duon sa pamulihan kung saan may mga sundalong namimili during the time of the explosion,” wika ni Sobejana.
Samantala, pina-alalahan naman ni Sobejana ang mga Army commanders lalo na duon sa mga conflict areas na manatiling naka-alerto, at siguraduhin na hindi muling makakalusot ang mga terorista sa kanilang terroristic plans.
Siniguro naman ni Sobejana na kaniyang tututukan ang mga capability buildup lalo na ang kakayahan ng mga deployed units sa pagtugis sa mga kalaban ng gobyerno lalo na ang mga terorista.
Pinatitiyak naman ni Sobejana sa mga Army commanders na i-sustain ang pakikipag-ugnayan sa mga local government units at sa ibat ibang mga stakeholders.