-- Advertisements --

bypass2

Pormal ng binuksan para sa mga motorista ang mas pinaluwag na bahagi ng Bulacan Arterial Bypass road sa San Rafael.

Mula sa dating 2-lane road ay pinalawak ito sa 4 lanes para tugunan ang lumalaking volume ng trapiko o may kabuuang lawak ngayon na 9.97 kilometro.

Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, sinimulan ang proyekto noong 2020 sa tulong ng bansang Japan subalit dahil sa ilang mga hamon tulad ng pandemya ng Covid 19, problema sa right of way, limitadong pondo at iba pang dahilan ay nahinto ang konstruksyon nito.

Sinabi ni Bonoan ang pagbubukas ng dagdag na 2 lanes ay inaasahang makapagpasigla ng ibat ibang industriya at pagdami ng mga turista sa mga munisipalidad na sasakupin ng Bypass road tulad ng Balagtas, Guiguinto, Plaridel, Bustos at San Rafael.

Pinangunahan nina special assistant to the president Secretary Antonio Lagdameo at DPWH Sec Manuel Bonoan ang pagbubukas ng bypass road kasama si Japanese ambassador kazuhiko kashikawa, Japan International Cooperation Agency (JICA) Chief Representative Takema Sakamoto, at iba pang mga opisyal ng gobyerno at lokal na pamahalaan.

Hindi nakadalo si Pangulong Ferdinand Marcos sa nasabing event dahil may mahalagang appointment ito ngayong araw.