KALIBO, Aklan –Umabot sa 1,056 ang bilang ng mga turistang bumisita sa isla ng Boracay sa unang araw na pinayagan na ang paggamit ng saliva RT-PCR test.
Ayon kay Felix delos Santos Jr., head ng Malay Municipal Tourism Officer, mas mataas ang nasabing bilang kumpara sa tourist arrivals noong March 13 na nasa 967.
Ito na umano ang pinakamataas na tourist arrival na naitala simula nang buksan ang isla sa domestic tourist noong Oktubre ng nakaraang taon.
Mga turistang mula sa National Capital Region (NCR) pa rin ang nangungunang bisita sa Boracay.
Makaraang magpalabas nang advisory si Aklan Governor Florencio Miraflores noong Marso 19, naging epektibo ang paggamit ng mas mura at mas mabilis na saliva COVID-19 test bilang alternatibo sa swab test.
Bago payagan ang saliva test sa isla, may average na 700 bawat araw ang mga turistang bumibisita dito.
Dagdag pa ni delos Santos, ‘very promising’ ang mga datos at umaasang bubuhos pa ang mga turista sa susunod na mga araw.
Simula Marso 1 hanggang Marso 21, nasa 16,412 ang kabuuang bilang ng mga bisita.