Sapat na ang COVID-19 vaccine supply na mayroon ang Pilipinas para makapagbakuna ng nasa 100 million na mga Pilipino sa buong bansa, ayon kay acting presidential spokesperson Karlo Nograles.
Kaya naman puwedeng-puwede na aniyang magbigay ng mga booster shots sa maraming mga Pilipino sa ngayon.
Aabot na kasi aniya sa 202 million doses ng COVID-19 vaccines ang dumating sa Pilipinas hanggang noong Disyembre 27.
Sa naturang bilang, mahigit 106 million doses na ang naituturok sa mga target population.
Base sa datos na kanyang nakuha, sinabi ni Nograles na kabuuang 47,860,944 indibidwal na sa bansa ang fully vaccinated kontra COVID-19.
Ang bilang na ito ay katumbas ng 62.05 percent ng target population sa bansa para sa COVID-19 vaccination.
Samantala, sinabi ni Nograles na 60,811,273 indibidwal naman o 78.83 percent ng target population ang naturukan ng first dose ng COVID-19 vaccine.