-- Advertisements --

Iginiit ng Malacañang na hindi na kailangang magpaliwanag sa Kongreso hinggil sa pinasok ni Pangulong Rodrigo Duterte na verbal agreement sa China kaugnay sa pangingisda sa West Philippine Sea.

Paninindigan ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kasunod ng pahayag ni Sen. Richard Gordon na dismayado siya na mistulang hindi kinonsulta ni Pangulong Duterte ang Kongreso bago nakipagkasundo sa China.

Kung maaalala, inihayag ng Malacañang na may informal agreement ang dalawang bansa na papayagan nila ang isa’t isang mangisda sa pinag-aagawang teritoryo na sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Ayon kay Sec. Panelo, mabilis lang ang naging pag-uusap nina Pangulong Duterte at ni President Xi Jinping.

Kung ano aniya ang kinuwento ni Pangulong Duterte sa publiko, ganoon lang talaga ang nangyari.

Wala rin daw dahilan para kausapin pa ng hiwalay ng Malacañang ang Kongreso kaugnay nito.

Dagdag ni Sec. Panelo na unang-una, hindi naman itinago ng Malacañang ang nasabing kasunduan dahil may mga pahayag na siya noon at maging ang Foreign Affairs Secretary noong pumunta sila sa Beijing dalawang taon na ang nakakaraan.

“Ano pa ba ang kailangang ipaliwanag, sinabi niya na nga iyong agreement eh.… maliit lang iyong usapan nila. Kumbaga, parang sandaling-sandali lang iyong usapan nila eh. Kung ano iyong kinuwento ni Presidente, exactly iyon ang nangyari,” ani Sec. Panelo.