-- Advertisements --

Wala pang nakikitang siyales ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa posibleng pagputok ng bulkang Mayon, sa kabila ng pagtaas sa alerto nito kamakailan.

Ayon kay Dr. Paul Alanis, resident volcanologist ng Mayon Volcano Observatory, bagaman tumaas ang ‘probability’ ng pagputok ng bulkan, nananatiling walang palatandaan ng biglaan nitong pagputok sa lalong madaling panahon.

Sa kabila nito, ipinaalala ng eksperto ang biglaang pagputok ng bulkan sa kahit anong alert level, kahit pa ito ay nasa Level 0.

Dahil dito, mas mainam aniyang maging maagap ang pamahalaan at ang publiko, at patuloy na bantayan ang aktibidad ng bulkan, lalo ngayong tuluyan na itong itinaas sa Alert Level 2.

Sa nakalipas na 24 oras, nakitaan muli ang bulkan ng isang volcanic earthquake at mahigit 40 rockfall event o pagkabitak ng mga malalaking bato sa lava dome at tuluyang bumagsak sa ibaba ng bulkan.

Unang itinaas ang alerto sa naturang bulkan noong Enero 1, 2026 mula sa dating Alert Level 1.