Nagpaalala muli ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Martes sa publiko na huwag pumasok sa mga permanent danger zone (PDZ) ng mga aktibong bulkan, kahit pa tila kumalma na ang ilan sa mga ito.
Ayon kay PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol, nananatiling posible ang biglaang pagputok ng mga bulkan gaya ng Bulusan sa Sorsogon at Kanlaon sa Negros.
Maalalang naitala ang 24 minutong pagputok ng Bulusan noong Lunes na sinundan ng ash fall, dahilan upang itaas ang alert status nito sa Level 1. Sa kabila ng tila pagkalma, 89 volcanic quakes pa rin ang naitala sa nakalipas na 24 oras.
Samantala, bagaman hindi na tumaas ang sulfur dioxide emission at volcanic earthquakes ng Kanlaon (kasalukuyang nasa Alert Level 3), hindi pa rin umano ligtas ang paligid nito. Itinakda ang PDZ ng Bulusan sa 4 km, habang 6 km naman sa Kanlaon.
Nananatili ring nasa Alert Level 1 ang Taal sa Batangas at Mayon sa Albay, na nangangahulugang may mababang antas ng pag-aalburuto.
Samantala, ayon sa Office of Civil Defense (OCD), nasa 27,000 indibidwal mula sa apat na bayan at 19 na barangay sa Sorsogon ang naapektuhan ng pagputok ng Bulusan. Mahigit nasa 60 katao narin ang kasalukuyang nasa evacuation centers.
Mahigit 20,000 food packs naman mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang naipamahagi na, habang may naka-standby pang 200,000 food packs bilang bahagi narin ng deriktiba ng Pangulo na tiyaking may sapat na relief goods para sa mga naapektuhan ng sakuna.