-- Advertisements --

Ipinaliwanag ng Phivolcs ang tumataas na posibilidad ng “Big One” earthquake sa Metro Manila habang papalapit ang taong 2058.

Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, bagama’t hindi matukoy ang eksaktong oras ng paggalaw ng West Valley Fault, mas lumalakas ang posibilidad nitong gumalaw batay sa recurrence interval na 400 hanggang 600 taon.

Ang huling malakas na lindol mula sa fault ay noong 1658, kaya posibleng mangyari muli ito bago o lampas ng 2058.

Kapag nangyari, inaasahan ang magnitude 7.2 na lindol na maaaring magdulot ng malawakang pinsala sa Quezon City, Marikina, Pasig, Makati, Taguig, Muntinlupa, at mga kalapit na lalawigan.

Binigyang-diin ng Phivolcs Director na normal ang sunud-sunod na pagyanig sa bansa dahil mayroon itong 180 aktibong fault segments at anim na active trenches. Kung saan tinatayang 30 lindol ang naitatala kada araw, bagama’t karamihan ay hindi nararamdaman.

Kaugnay nito, hinihimok ng Phivolcs ang publiko na gamitin ang hazardhunter.ph upang malaman kung may aktibong fault sa inyong lugar at makapaghanda sa posibleng malakas na lindol.